Isang makahulugang Pugay Tagumpay ang idinaos upang kilalanin ang 84 na 4Ps Graduates – Batch 2, 2025 mula sa iba’t ibang barangay ng Bayan ng Taysan. Ang pagdiriwang na ito ay patunay ng kanilang matagumpay na pag-angat bilang Level 3 Self-Sufficient Households—isang malinaw na indikasyon na sa tiyaga, determinasyon, at suporta ng pamahalaan, ang bawat pamilyang Pilipino ay may kakayahang makaahon at makamit ang mas maunlad na kinabukasan.
Sa nasabing seremonya, personal na iginawad sa bawat pamilyang nagtapos ang “Sertipiko ng Pagpupugay”, bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at bilang simbolo ng panibagong yugto tungo sa higit na katatagan at pag-unlad.
Dumalo sa programa si Atty. Kriselle Balmes-Quintua, Municipal Administrator, bilang kinatawan ng ating Punong Bayan, Kgg. Brigido A. Villena, upang magbigay ng mensaheng nagbibigay-inspirasyon sa mga nagsipagtapos. Kasama rin sa pagdiriwang si Kgg. Eloisa Angela P. Portugal, Pangalawang Punong Bayan, at mga kasapi ng Sangguniang Bayan.
Isa sa mga tampok na bahagi ng pagtitipon ang pagbabahagi ni Ms. Analisa Bisa, isang 4Ps beneficiary, na nagsabing: “Ako at ang pamilya ko ang kwento ng aming tagumpay.” Isang makabagbag-damdaming paalala na sa puso ng programang 4Ps ay ang tunay na pagbangon ng bawat pamilyang Pilipino.
Pagpupugay sa inyong lahat—mga pamilyang patuloy na lumalaban, nagsusumikap, at nagtatagumpay.
#GarantisadongSerbisyo
#GarantisadongAsenso
#DiyosAngSandiganTapatSaBayan
#BagongTaysan
0 Comments